| |
 Hindi ko alam kung pa'no ko ba ilalarawan yung nangyari sa amin noong nakaraang sabado, unang araw ng Hulyo. Masaya, nakakatakot, masarap. Malamig sa Baguio. Laking swerte naming magkakaibigan na hindi bumuhos ang ulan noong kabuuan ng pagbisita namin doon. Walang hadlang sa paglilibot. Ang bango ng hangin sa pinasyalan naming "forest trail". Nakakaantok dahil malamig at, dahil manipis ang hangin sa bundok, nakakalasing subukan halikan ang langit. Wala pang drugs 'yon, hindi na kailangan. Konting pahinga at dinala kami sa El Rancho. Koboy ang tema ng lugar, at natuklasan ko ang pinakamasarap na kilawing kambing na natikman ko sa tanang buhay ko. Yawa, mas lami pa ni kaysa timpla sa akong lola Marcy. Kahinanlan dad-on nako ngadto si Vin para matilawan niya grabe ka-lami! Ganyan ako masarapan, biglang napapabisaya.
Pinuntahan namin yung lugar kung saan kami matutulog noong gabing yon. Maraming pulis na nakapaligid. May V.I.P. ba? Hindi. May nagpatayan, doon mismo sa palapag na kung saan namin pansamantalang iniwan ang mga gamit namin bago namasyal. Patay. Patay talaga. Tumindig mga balahibo namin. Buti nasa labas kami noong nangyari ang krimen. Naabutan namin ang imbestigasyon. Hindi ko na ilalahad ang mga detalye (itanong nyo na lang pag nakita nyo ako sa gigs). Nakakakilabot palang isipin na matutulog ka sa isang lugar na may kamamatay lang, parang naramdaman ko yung galit at takot ng mga biktima. Ganoon rin ang naramdaman ng mga kaibigan ko. Lumabas kami...at nag videoke. Ang kapal na ng fog sa labas. Pagbalik sa tutulugan, nag-usap hanggang di na makapagsalita sa pagod at natulog nang mahimbing.
Papuntang Maynila kinabukasan, Linggo. Ang bilis namin nakababa papuntang Maynila. Laban kasi ni Manny Pacquiao at Larios sa Araneta. Wala masyadong bumiyahe. Halatang nasusuya yung nagmaneho sa amin, drayber ng tatay ng kaibigan ko, dahil hindi nya mapapanood ang laban. Di rin siguro nakatulong na tinutukso namin syang bibigyan na lang ng dvd nung boxing match. Ang bilis namin nakarating sa Maynila. May malaking pink na sako sa itaas ng sasakyan namin. Puno ito ng gulay at kung ano-ano pang pinamili namin sa Baguio. Mabigat, masarap, hinog sa alaala.

 | Woh...creepy. Pakwento nalang sa gig what that was all about (kung kelan man ako maka-gig hahaha!) I miss Baguio :( |
| | |
|
|